Panahon na naman po ng tag-ulan at kaliwa't kanan na bagyo kaya marami sa atin ang nagkakasakit dahil sa paiba-ibang klima ng panahon. Nandiyan ang may sipon,ubo, at lalo na ang trangkaso (flu).
Taun-taon ay napakaraming kababayan natin ang dinadalaw ng trangkaso. Nagdudulot ito ng epidemya na maaaring maging sanhi ng pagliban sa trabaho o eskwelahan. Kahit sabihin pa na ito ay flu o trangkaso lamang, iba pa rin ang pakiramdam ng katawang may sakit at siyempre kinakailangang magpagaling ng husto bago makapasok sa trabaho o eskuwelahan.
Ang ugat ng trangkaso ay dala ng virus na influenza, nakakahawa ang virus na ito at madali itong malipat sa ibang tao sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing. Mahirap mapigilan ang pagkalat nito sapagkat dalawang araw pa man bago lumabas ang sintomas ng flu, naihawa mo na ito sa iba.
Hindi rin pangkaraniwang ubo't sipon lamang ang trangkaso dahil may dala rin itong kumplikasyon dahil pinahihina ng trangkaso ang ating resistensya kaya madaling makapasok ang impeksyon tulad ng pulmonya at pwede rin nitong palalain ang iba pang kondisyon tulad ng diabetes, bronchitis o sakit sa baga.
Paano ba tayo makaiiwas sa trangkaso? may ibinibigay ngayong bakuna laban sa influenza bago magsimula ang tag-ulan at taglamig. Maipapayo sa mga senior citizen na may diabetes, asthma at iba pang kondisyon ang magpabakuna laban sa trangkaso. Bukod sa pagpapabakuna, iwasan din ang mga masisikip o crowded na lugar, pagkain ng balanced diet, pag-eehersisyo at malusog na pamamaraan ng pamumuhay, pag-inom ng mga fruit juice at vitamin C supplement para lumakas ang ating resistensya. Iyan ang ilang tips kung paano makaiwas sa trangkaso o flu. source: Sabi ni Doc ni Shane M. Ludovice Bulgar
Comments
Post a Comment