Isa sa mga patok na negosyo ngayon sa Pilipinas ang Heat Press Tshirt Printing. Lalo na sa panahon ng kampanya, fiesta, reunion o kahit ano pang okasyon. Madalas kasing ginagawang souvenir ang Tshirt kaya kung nais mong mag-negosyo, bakit hindi ito ang subukan mo.
Sa pagsisimula ng negosyong Heat Press Printing ay hindi mo na kinakailangan pa ng malaking puhunan, hindi na rin kinakailangan na mag-hire ka pa ng artist o empleyado dahil ikaw mismo kayang-kaya mong gawin ito.
Ito ang mga gamit na kailangan mo sa heat press printing business:
Heat Press Machine - Para sa mura at may kalidad na heat press machine pwede kang tumungo sa Ojon Mall sa Doroteo Jose. Doon ay maraming mga stall na nagbebenta ng machine na ito. Rekomendado ko ang Fengreco Shop. Maganda ang quality at mura ang supply nila ng ganitong makina. Puhunan: 8,500 pesos.
Transfer Paper- Isa sa tradisyonal na paraan sa heat press ang paggamit ng transfer paper. Ito ang papel na isasalang mo sa printer at ididikit mo sa t shirt. At sa pamamagitan ng Heat Press machine ay maililipat mo na ang kahit anong uri ng disensyo na naka-imprenta sa papel na ito. Puhunan: 15-25 pesos per paper.
Printer with CISS - Kailangan din syempre pa ng printer na naka-CISS na. Pigment Ink ang dapat na gamitin. Alam naman ito ng pagbibilhan mo ng printer. Mas magandang subukan ang printer na Epson ME1100 pero kung wala ka pang ganun kalaking puhunan ay pwede ng bilhin din ang mga mas murang klase ng Epson Printer na pwedeng i-CISS. Puhunan: 6,000 to 10,000 pesos.
Computer o Laptop - Mag-install lamang ng photoshop sa iyong PC at magpakabit ng internet. Magagamit mo kasi ang internet para makapamili ang iyong mga customer sa web ng mga gusto nilang design. Puhunan: 8,000 pesos
Heto ang isang video tutorial na maaari mong magamit sa pagsisimula ng negosyong ito.
Ito ang ilan sa mga dapat na isaalang-alang sa negosyong ito:
Pwesto - pwede mong gawin na homebased ang business o subukang umupa ng commercial space na malapit sa eskuwelahan, palengke, simbahan o basta sa mataong lugar. Budget: 4,000 a month.
Kuryente - maaari kang gumastos ng 1,000 sa bayad sa ilaw.
Business Permit - Dapat na legal ang iyong negosyo. Kailangan mo ng permit sa baranggay, munisipyo at b.i.r.
Mabilis ba ang kitaan sa Heat Press Tshirt Printing?
Oo naman, lalo na kung nasa mataong lugar ka o marunong kang mag-market ng iyong negosyo sa internet. Tiyak na dadayuhin ka pa. Lalo na't kung may kalidad ang iyong serbisyo.
O ano? Ready ka na ba para sa patok na negosyo ngayon sa Pinas? Kung ito ang hilig mo at may sapat ka ng puhunan para dito ay simulan mo na ang negosyong Heat Press Tshirt Printing. Ngayon na!
Comments
Post a Comment