Minsan naitatanong mo rin sa iyong sarili kung tunay ka nga bang mahal ng taong mahal mo. Nais mong malaman kung siya na nga ba ang taong magmamahal sa'yo hanggang sa pagtanda mo. Nais mong malaman kung ano nga ba ang karakter ng isang taong totoo kung magmahal. Ito ang sampung paraan:
from google image for illustration only |
1. Ang taong ito na mahal mo ay hindi humihingi ng anumang kapalit sa anumang pabor o tulong na naibigay niya sa'yo. Hindi siya marunong manumbat, tumutulong siya sa anumang problemang danasin mo sa iyong buhay ng walang pag-aalinlangan.
2. Abutin man ng taon o dekada ang inyong relasyon ay nakikita mong nag-aalab pa rin ang kanyang pag-ibig sa iyo, ganoon pa rin siya kalambing, at kung magbago man ay nakikita mo at pinaparamdam niya sa iyong mas lumalalim ang kanyang pagmamahal sa iyo sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng importansya sa'yo at sa inyong relasyon.
3. Kung siya'y may pagkakamali ay aaminin niyang siya ay nagkamali at handa siyang itama ang kanyang kamalian para hindi ka niya masaktan. Handa niyang baguhin ang kanyang mga baluktot na pag-iisip para mas lalong tumatag ang inyong relasyon.
4. Hindi ka niya ipinagdadamot sa iba, sa iyong mga kaibigan, sa iyong pamilya at sa iba pang iyong nakakasalamuha. Handa niyang tanggapin na may sarili ka ring mundong ginagalawan kaya't hinahayaan niyang gawin mo ang bagay na gusto mo basta't alam niyang ito ay makabubuti sa iyo.
5. Kontento siya sa i'yo. Kahit mabago man ang iyong pisikal na anyo, ikaw pa rin ang maganda sa kanyang paningin. Ikaw pa rin ang taong nagpapasaya sa kanya sa araw-araw. Ikaw pa rin ang taong nagtatangal ng kanyang pagod sa tuwing ika'y kanyang yayakapin o hahagkan. Wala siyang ibang mahal at kahit kailan ay hindi niya magagawang magmahal ng iba.
6. Kung anuman ang nakakamit mo sa'yong buhay ay ikinasasaya niya ito. Handa niyang ipagmalaki ka sa lahat. Hindi siya nakakaramdam ng inggit sa kung anuman ang nakukuha mo bagkus ay lalo ka pa niyang pinapalakas at binibigyan ng mga payo para ikaw ay umunlad pa. Hindi ka niya hinihila pababa na parang isang talangka.
7. Kahit naman sa isang perpektong relasyon ay hindi pa rin mawawala ang pag-aaway. Pero sa taong tunay kang mahal, hindi tumatagal ang kanyang galit. Madalas pa nga'y siya ang unang gumagawa ng paraan para kayo ay magkabati. Hindi siya marunong magtanim ng sama ng loob, sa kanya'y lumilipas lamang ito ng kusa.
8. Hindi niya ikinatutuwa kapag napapahamak ang iyong mga mahal sa buhay. Bagkus siya ay dumaramay sa anumang paghihirap ang danasin ninyong pamilya. Handa siyang tumulong sa anumang kaya niyang maitulong.
9. Nagsasabi siya ng totoo at handa siyang marinig ang totoo mula sa iyo. Ito naman talaga dapat ang mangingibabaw sa isang relasyon. 'Pagkat ang isang relasyon na puro kasinungalingan at lihiman ay hindi nagtatagal at hindi matatawag na tunay na pagmamahal. Kung mahal ka ng taong mahal mo, handa siyang tanggapin lahat ng bagay tungkol sa'yo at handa rin siyang sabihin ang lahat ng totoo tungkol sa kanya.
10. Hindi ka niya binabago para sa kanya bagkus ay nakakikita lamang siya nang mga pagbabagong dapat na mangyari sa iyong buhay para ikaw ay umunlad. Kasama mo siya sa lahat, sa hirap man o ginhawa.
Sa sampung paraan na ito para malaman mong mahal ka ng taong mahal mo ay may nakita ka bang karakter na mayroon ang iyong karelasyon ngayon? Tanging ikaw lang ang makakasagot niyan.
Comments
Post a Comment