Nakararamdam ka ba ng malakas na pagkabog sa iyong dibdib na may kasamang panginginig ng kamay? Malakas kang kumain ngunit bumababa ang iyong timbang? Mainit ang katawan kahit hindi mainit ang panahon? At may parang nakausbong ba sa iyong leeg at mulagat ang iyong mata? Ang mga nabanggit ay ilang pangunahing sintomas ng Hyperthyroidism.
Ayon kay Doctor Shane M. Ludovice, sa column niya sa Bulgar na Sabi ni Doc, Ang lahat ng binanggit ay sintomas ng tipikal na halimbawa ng hyperthyroidism. Ito ay dahil sa sobrang produksiyon ng thyroid hormone kaya nagkakaroon ng metabolic imbalance sa katawan. Karaniwang nasa edad 30 hanggang 40 ang nagkakaroon nito, lalo na kung sa pamilya nyo ay may kasaysayan ng abnormalidad sa thyroid.
Ano ang posibleng sanhi ng hyperthyroidism? Ito ay maaaring dulot ng stress at posible rin genetic o nasa lahi. Maaaring kaakibat ng iba pang abnormalidad sa endocrine system tulad ng diabetes, hyroiditis at hyperparathyroidism. Maaari din namang dahil ito sa produksyon ng auto-antibodies (mga antibody na ang nilalabanan ay ang sariling katawan) dahil sa defect sa immune system.
Ang isang taong hyperthyroid ay kadalasang parang ninenerbiyos, kadalasan ay may mood swing, madaling mapagod o mahapo, nanginginig ang mga kamay lalo na kapag nagsusulat, pinumpino ang buhok at may kalambutan na minsan ay madalas malagas at pumuti, may pagbabago rin sa kuko. May epekto rin ito sa regla, 'yung iba ay humihinto ang normal na menstrual cycle, bumababa ang kakayahang magkaanak at tumataas ang posibilidad ng aborsiyon. Sa lalaki naman, mapapansin ang paglaki ng suso at bumababa ang libido ng babae at lalake.
Ang nararamdamang pagmulagat ng mata ay tinatawag na exophalmos, ito ay dulot ng pagkaipon ng fluid at mucopolysaccharide sa likod ng mata na nagtutulak sa bola ng mata palabas. Minsan ay mayroon ding pamumula o pagluluha ng mata. Maipapayo ang magpa-examine ng dugo para sa T3 at T4 at ng mabigyan ng karapatang gamutan.
source: Bulgar credits to: Shane M. Ludovice M.D
Comments
Post a Comment