SADYANG may mga bagay sa buhay ng isang tao na nais lamang niyang itago at hindi na ibahagi pa sa iba. Gayunman, kapag ang ilang sikreto ay ipinagkakait din mismo sa mga doctor lalo na kung tungkol sa nakahihiya ngunit importanteng detalye sa kalusugan, gawi o lifestyle – maaaring isinasaalang-alang ang sariling buhay.
Ilan sa mga halimbawa ng mga lihin na hindi dapat itago sa doktor na para na rin sa sariling kalusugan at kapakanan ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
1. Pag-iinom, droga at paninigarilyo. Batid ng lahat na ang mga ito ay hindi mainam sa isang tao, kung saan, malamang na ito ang isa mga dahilan kung bakit ayaw ibahagi ng isang tao ang kanyang masamang gawi. Ngunit ang mga ito ay maaaring makapaglihis sa mga doktor sa pagkuha ng tamang diagnosis – na posibleng ikapahamak ng isang pasyente.
2. Hindi normal na pag-ihi at pagdumi. Maraming nagpapalagay na ang mga gawi sa loob ng palikuran ay labis na pribado at hindi dapat pinaguusapan. Gayunman, maaaring ilagay ng isang tao ang kanyang sarili sa panganib mula sa hindi pagsasabi ng tungkol sa anumang pagbabago o napapansing kamalian sa pag-ihi at pagdumi. Ang ilang senyales ng sakit tulad ng colon cancer ay kadalasang nagmumula sa suliranin sa loob ng banyo.
3. Herbs at supplements. Maaaring ang mga doktor ay hindi naniniwala sa mga alternatibong medisina, ngunit, kinakailangan pa rin niyang malaman ang listahan ng mga produktong herbal na sinusubukan ng kanyang pasyente dahil sinasabing may ilang mekasyong hindi tamang isabay sa pagkonsumo ng herbal.
4. Masamang gawi sa pagkain at walang ehersisyo. Ang kombinasyon ng pagkain ng tama at sapat na workout sa araw-araw ay mahalaga sa katawan. Maaaring ikinukubli sa mga doktor ang pag-abuso sa ilang matatamis, maaalat at matatabang pagkain at hindi man lang nag-eehersisyo. Isa itong bagay na dapat ay bukas nilang pinag-uusapan.
5. Pagsasawalambahala ng maliliit na suliranin sa katawan. Anumang maliit na sintomas na nararamdaman sa katawan ay marapat pa ring sabihin sa doktor at hayaang sila ang magdesisyon.
Tandaan na ang mga mababaw na senyales ay maaari ring makamatay. Ang paunang mga sintomas ay makapagliligtas sa isang tao sa naturang sakit.
- No Problem (Bulgar) ni Ms. Myra
Comments
Post a Comment